dzme1530.ph

Mga nahuling Chinese spies at mga nasabat na Submersible drones, posibleng konektado

Loading

POSIBLENG magkakaugnay ang espionage activities ng mga nahuling umano’y Chinese spies at ang mga nasabat na submersible drones sa bansa.

 

Ito ang pinaniniwalaan ni Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones Chairman Francis Tolentino.

 

Sa pagdinig sa Senado, iprinisinta ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine National Police (PNP) ang ilan sa mga kaso ng pinaghihinalaang espionage activities kung saan sangkot ang ilang Chinese.

 

Kabilang sa mga ginagamit ng mga spy ang IMSI catcher, LIDAR devices at GNSS o global network satellite system.

 

Ang IMSI catcher ay ginagamit upang makakuha ng mga impormasyon at datos sa pamamagitan ng pag-intercept sa mga telecommunications signal habang ang LIDAR at GNSS ay nakakapag-mapa ng mga lugar sa ating bansa.

 

Ayon sa NBI, naka-install sa mga sasakyan ang mga devices na ito at lahat ng kanilang pinupuntahan ay maaari  na nilang kunan ng topographic mapping.

 

Kabilang sa mga pinupuntahan ng mga espiya ay ang mga kritikal na mga lugar gaya ng mga military camps, seaports, airports, communication towers at iba pa.

 

Nabatid na konketado ito sa satellite at ang mga datos na nakukuha nito ay na-access ng isang IP address na nasa China.

 

Sinabi ng NBI na posibleng sa surveillance na ginagawa ng mga nahuling suspek ay namomonitor at nalalaman ng mga chinese vessels ang galaw ng barko ng ating bansa, kabilang na ang resupply mission ng ating AFP sa West Philippine Sea.

About The Author