Muling nagpasaring si Sen. Imee Marcos sa mga pulitikong nagsusulong ng charter change na ang intensyon ay magkaroon lamang ng extension ang termino ng mga kasalukuyang opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Marcos na dapat magkaroon naman ng kaunting kahihiyan ang mga pulitikong ito.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi dapat makinabang ang mga opisyal o mga kasalukuyang nakaluklok sa pwesto sa anumang isinusulong na pag-amyenda sa saligang batas.
Ang reaksyon ni Marcos ay bunsod ng pahayag ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte na layun ng isinusulong na Cha-Cha ay mapalawig ang termino ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Samantala, tumanggi si Sen. Robin Padilla na magkomento sa pahayag ng dating Pangulo.
Sinabi ni Padilla na alam naman ng lahat na pabor siya sa Cha-Cha kayat hahayaan na lang niyang sagutin ni Pangulong Marcos ang naging pahayag ng dating Presidente.