Nanindigan si Senador Jinggoy Estrada na hindi sapat na matanggal lamang sa serbisyo ang mga opisyal ng pulis na isinasangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Sinabi ni Estrada na dapat agad na kasuhan at makulong ang mga pulis na sangkot sa iregularidad.
Una rito, kinumpirma ni PNP chief, Police General Benjamin Acorda na tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang resignation ng 3 heneral at 15 colonels.
Samantala, pagpapaliwanagin naman ni Estrada ang PNP kung bakit hindi pa nakasama sa listahan ng mga nagresign ang mga pulis na inimbestigahan ng Senado bunsod ng P6.7-B drug haul.
Iginiit ng senador na napakalaking pagkakasala sa tungkulin ng mga pulis ang masangkot sila sa iregularidad kaya’t kailangang maipakita sa taumbayan na managot ang mga ito sa kanilang pagkakasala. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News