dzme1530.ph

Mga na-contempt na sina Morales at Santiago, pinalaya na sa Senado

Kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na pinakawalan na mula sa Senado sina dating PDEA agent Jonathan Morales at dating NAPOLCOM employee Eric “Pikoy” Santiago na kapwa na-contempt sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs dahil sa pagsisinungaling.

Sinabi ni Escudero na tumawag sa kanya si Senate President Pro Temporer Jinggoy Estrada para ipaalam na pakakawalan na si Morales habang inabisuhan siya ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na palalayain na si Santiago.

Miyerkules ng gabi ay nagtungo si Estrada sa detention cell ni Morales at close door ang kanilang naging pag-uusap.

Ikinunsidera naman ni dela Rosa ang mahaba nilang session break kaya’t pumayag nang palayain si Santiago.

Sinabi ni Escudero na bago pakawalan ang dalawa ay nabisita pa niya ang mga ito sa kanilang kwarto sa Senate Security dahil nagkataon na nag-iikot siya sa lahat ng opisina kabilang ang tanggapan ng Senate Sergeant at Arms.

Kinumpirma naman ni Senate Sergeant at Arms Roberto Ancan na pasado alas-7 ng gabi nang kanilang irelease sina Morales at Santiago.

About The Author