Tuluyan nang naubusan ng pasensya ang mga senador sa mga miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc. at isinulong na ang citation for contempt.
Makukulong sa detention cell ng Senado sina Jay Rence Quilario alyas “Senyor Aguila”; Mamerto Galanida, dating school division superintendent at 3 term mayor ng Socorro; at 3 term board member ng Surigao del Norte; gayundin si Janeth Ajoc na sinasabing nagpapares sa mga binata at dalaga para sa forced marriage; at si Karren Sanico.
Ito ay matapos paulit-ulit na itanggi ang sinasabing forced marriage sa lugar kahit mismong mga biktima na ang nagsalaysay.
Samantala itinakda na ng Department of Justice ang initial hearing sa mga kasong isinampa laban sa lider ng sinasabing kulto sa October 9.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order at Committee on Women, sinabi Justice Undersecretary Felix Dy na gagawin ang pagdinig sa Maynila at iisyuhan nila ng subpoena ang mga lider ng grupo, kabilang na si Jey Rence Quilario alyas “Senyor Aguila” para dumalo sa pagdinig.
Sinabi ni Dy na una nang itinalaga ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang panel of 3 prosecutor para sa preliminary investigation sa mga kaso.
Kabilang sa mga inihaing kaso laban sa organisasyon ang qualified trafficking, serious illegal detention, kidnapping, at paglabag sa anti child abuse law. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News