dzme1530.ph

Mga miyembro ng gabinete, ipinagmalaki ang achievements ng administrasyon sa unang taon!

Ipinagmalaki ng mga miyembro ng gabinete ang mga nagawa ng administrasyon sa unang taon nang pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Inilarawan ni Trade Sec. Alfredo Pascual si Pangulong Marcos bilang isang “visionary” na nakapagkamit ng mga hindi matatawarang achievements para sa pagsulong ng ekonomiya at pagbuo ng partnerships sa local at foreign market.

Kabilang sa mga ito ay ang pagpasok sa Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement, pagtatatag ng green lane para sa strategic investments, at ang isinusulong na Philippine Export Development Plan.

Pinuri rin ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan ang 8-point Socioeconomic Agenda ni Marcos at ang mataas na growth target ng bansa, masiglang labor market performance, at downward-trend ng inflation rate.

Samantala, ibinida rin ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang pag-apruba ni Marcos sa Food Stamp Program, habang sinabi naman ni DILG Sec. Benhur Abalos na sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay nai-angat nila sa mas mataas na antas ang laban kontra iligal na droga sa pamamagitan ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan, o “BIDA Program”.

Idinagdag pa ni DMW Sec. Susan “Toots” Ople na sa unang taon ng termino ay nakapagbigay na ng solusyon si Pangulong Marcos sa ilang matagal nang problema ng overseas filipino workers at seafarers. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author