Nagtungo ang ilang mambabatas sa bayan ng Masinloc sa Zambales sa pangunguna ng House Committee on National Defence and Security at Special Committee on the West Philippine Sea upang magsagawa ng ‘public consultation’ tungkol sa gentleman’s agreement.
Labing limang kongresista ang dumalo sa consultation na layuning pakinggan ang hinaing ng mga mangingisda at lahat ng stakeholders na naapektuhan sa pagbabawal ng China na makapasok sa Bajo de Masinloc.
Hindi nakadalo si Speaker Ferdinand “Martin” Romualdez subalit nagpadala ito ng mensahe na ipinaabot ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr.
Tiniyak ni Romualdez na hindi nag-iisa ang mga mangingisda sa kanilang kalbaryo dahil ginagawa lahat ng gobyerno sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at ng Kongreso ang mga pamamaraan upang maprotektahan sila.
Bukod sa mga kongresista ng Zambales, dumalo rin sina Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr., Mayor ng Masinloc at Botolan, at mga nangingisda sa Bajo de Masinloc.