Hindi ligtas ang mga mambabatas na sangkot sa katiwalian sa flood control projects, sa nakaambang imbestigasyon ng House Committee on Public Accounts.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang bumatikos sa mga ito sa kanyang ika-apat na SONA, sa pagsasabing “mahiya naman kayo.”
Ayon kay Ridon, may mga naririnig na rin siyang ilang senador at kongresista na umano’y sangkot sa mga maanomalyang proyekto sa flood control.
Una na nitong sinabi sa DZME Radyo-TV na sa susunod na linggo ay gugulong na ang imbestigasyon, at si DPWH Secretary Manuel Bonoan, pati ang mga regional director nito, ang unang ipatatawag.
Banta ni Ridon, sakaling hindi siya makontento sa magiging paliwanag ng DPWH, mas mahigpit ang magiging proseso para sa 2026 budget ng ahensya.