Humanga ang ilang lider ng Kamara sa ipinamalas na katapangan at pagmamahal sa bayan ng “Atin Ito Coalition” na nag-layag kahapon sa Panatag Shaol.
Ayon sa Chairman ng Human Rights Panel, 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, nakaka-inspire ang ipinakita nilang pagmamahal sa bansa kaya dapat itong tularan.
Hinikayat pa ni Abante ang mga kapwa mambabatas na samahan siyang sumakay din ng barko at bisitahin ang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Panahon na rin umanong magpakita ng galit ang bawat Pilipino sa pambu-bully ng China.
Dagdag pa nito, hindi lamang ang Pilipinas ang binu-bully ng China kundi maging ang buong mundo dahil ginagamit tayong ‘pawn’ ng China para kontrolin ang International Trade lalo pa at 60% World Trade at Fuel ay dumadaan sa ruta ng WPS.
Para din kay Adiong, nagsilbing sukatan ang civilian regatta kung sinusuportahan ba ng sambayanang Pilipino si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa paninindigan nito sa WPS.