Mahigit 200 kongresista ang dumalo sa thanksgiving mass sa Manila Cathedral kahapon, bago ang pagbubukas ng 20th Congress ngayong Lunes.
Sinabi ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na sa kabila ng mga hamon at problemang kanilang kinakaharap, mainam para sa mga miyembro ng Kamara na simulan ang lahat sa pamamagitan ng panalangin.
Aniya, hindi lamang ito para sa matagumpay na pagbubukas ng Kongreso, kundi upang magkaroon sila ng produktibong taon.
Alas-kuwatro ng hapon kahapon nang pangunahan ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang misa.
Sa kanyang homily o sermon, ipinaalala ng kardinal sa mga mambabatas na hindi lamang sila kinatawan ng mga Pilipino sa gobyerno kundi kinatawan din ng mga tao sa harap ng Panginoon.
Kabilang sa mga namataang dumalo sa misa sa Manila Cathedral si House Speaker Martin Romualdez.