Binalaan na ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian ang mga kasamahan sa Kongreso na huwag nang tangkain pang magpasok ng anumang insertions sa national budget.
Muling iginiit ni Gatchalian na hinding-hindi ito papayag na magkaroon ng amendments sa 2026 national budget nang hindi dumaraan sa pagtalakay sa plenaryo ng Kamara at Senado.
Sinabi ni Gatchalian na tututok lamang ang kanilang bicameral conference committee meetings sa mga disagreeing provisions o ang hindi magkatulad na probisyon ng Senado at Kamara.
Dagdag niya, matapos maisumite sa Kongreso ang panukalang ₱6.793-T na 2026 national budget, sisimulan na nila ang pagbusisi dito sa pamamagitan ng briefing mula sa Development Budget Coordination Committee o DBCC sa Setyembre 1, saka susundan ng committee hearings.