Ipinaalala ni Sen. Sherwin Gatchalian na may pananagutan at posibleng makasuhan ang mga magulang ng mga batang masasangkot sa karahasan tulad ng nangyaring pananaksak sa isang Grade 8 student sa Paranaque City ng kapwa nito estudyante.
Kasabay nito, nilinaw ni Gatchalian na bagama’t sa ilalim ng Juvenile Justice Law, hindi maaaring sampahan ng kasong kriminal ang isang menor de edad, ay isasailalim pa rin ito sa intervention program ng gobyerno.
Hindi man sa regular na piitan, makukulong pa rin ang mga bata sa Bahay Pagasa kung saan sila isasalang sa iba’t ibang programa kasama na ang patuloy nilang pag-aaral.
Sa ganitong paraan aniya ay mabibigyan pa rin ng pag-asang magbago ang mga bata upang hindi lumaking kriminal.
Malaki rin aniya ang responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan, kasama na ang mga eskwelahan sa pagdisiplina sa mga bata kasabay ng panawagan sa lahat ng sektor na paigtingin ang monitoring sa aktibidad ng kabataan.