Nakikinabang ang mga magsasaka sa tumaas na presyo ng palay sa bansa.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), tumaas ang presyo ng palay dahil sa paghihigpit ng suplay sa World Market bunga ng “global fear” o pangamba sa posibleng shortage sa harap ng El Niño o matinding tagtuyot.
Sa datos ng DA National Rice Program, ipinakitang umabot sa P17.66 ang average price ng kada kilo ng fresh palay, at P20.38 sa dry palay noong Abril 2023.
Mas mataas ito kumpara sa P15.57 na presyo ng fresh palay, at P17.95 sa dry palay noong Abril 2022.
Pinaka-tumaas umano ang presyo ng palay sa Central Luzon na pumalo sa P22.00 para sa fresh palay, at P25.00 sa dry palay.
Samantala, ipinakita sa bukod na datos ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement na tumaas din ang presyo ng palay sa Cagayan Valley, Mindoro, Leyte, CARAGA, Iloilo, at Davao. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News