dzme1530.ph

Mga lokal na pamahalaan, pinakikilos sa kakapusan ng suplay ng tubig

Dapat kumilos na agad ang mga lokal na pamahalaan upang tugunan ang kakulangan sa suplay ng tubig dulot ng El Niño.

Ito ang iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian bilang short-term solution para matiyak na tuluy-tuloy pa rin ang suplay ng tubig sa maraming lugar sa bansa sa kabila ng El Niño na inaasahang mararanasan sa buong taon.

Sa Kapihan sa Senado, ipinaliwanag ni Gatchalian ang tatlong magkakadugtong na problemang dulot ng El Niño na kinabibilangan ng kakulangan sa suplay ng tubig, kuryente at food security na maaaring mauwi sa mataas na singil, kakulangan ng suplay at pagsirit ng inflation.

Sinabi ng senador na dapat gamitin na ng pamahalaan ang mga LGUs dahil ang mga ito ay may kakayahan na pansamantalang tugunan ang problema sa suplay ng tubig lalo’t taun-taon ay nagkakaroon ng problema sa suplay.

Mahalaga anyang mai-activate na ngayon ng pamahalaan ang mga LGUs dahil may sarili silang water tankers na maaaring i-rasyon sa mga constituents.

Para naman sa long term solution, inirekomenda ni Gatchalian na gayahin ng Pilipinas ang hakbang ng ibang bansa na mayroong ibang water supply o mapagkukunang source ng tubig at magkaroon ng water storage o tanker nang sa gayon ay may back up na suplay na tubig ang bansa kahit magtuluy-tuloy pa ang El Niño. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author