Pinayuhan ng Meralco ang kanilang customers na huwag i-post ang kanilang electricity bills sa social media, sa gitna ng nauusong “bill reveal challenge” para ipakita ang tumaas nilang konsumo noong Abril.
Maraming Facebook users kasi ang nahikayat na i-post ang natanggap nilang bill ngayong Mayo, kung saan nakasaad ang personal data, gaya ng address at customer account number.
Sinabi ni Meralco Spokesman Joe Zaldarriaga na maaring gamitin o samantalahin ng mga hacker, scammer, at mga masasamang loob ang mga impormasyon na nakita sa “bill reveal challenge.”
Pinayuhan din ni Zaldarriaga ang publiko na kung nais nilang ihayag ang kanilang pagka-dismaya sa kanilang bayarin ay isapubliko lamang nila ang halaga at huwag i-post ang actual bill sa online.