dzme1530.ph

Mga kongresistang inimbitahan, no show sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa flood control projects

Loading

Umarangkada nang muli ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga anomalya sa mga flood control projects.

Sa pagsisimula ng hearing, kinumpirma ni Senador Panfilo Lacson na sumulat sa kanila si House Speaker Bojie Dy na hindi na dadalo ang mga kongresista dahil humarap na sila sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ito ay upang maiwasan, aniya, ang anumang posibleng prejudice sa isinasagawang imbestigasyon ng ICI.

Inimbitahan sa pagdinig ang 14 na kongresista, kasama sina dating House Speaker Martin Romualdez at Cong. Eric Yap, at anim na dating mambabatas, subalit wala sa mga ito ang dumating.

Ang mga ito ay una nang pinangalanan ng mag-asawang Discaya na nakinabang sa kanilang mga proyekto.

Kinumpirma rin muli ni Lacson ang komunikasyon sa kumite ng abogado ni dating Cong. Zaldy Co na si Atty. Ruy Alberto Rondain at sinabing patuloy pang sumasailalim sa medical procedure ang mambabatas.

Sinabi rin, aniya, ni Rondain na nangangamba silang anumang magiging statement ni Co ay magpe-preempt sa posibleng kanilang depensa.

Nagpadala rin ng excuse letter ang iba pang inimbitahan na sina Jonathan Quirante ng Quirante Construction na nagsabing may mga kailangang ayusin sa mga naapektuhan ng bagyong Tino; Euimir Villanueva ng Topnotch Catalyst Builders na mayroon umanong naunang engagement; at Engr. Arjay Domasig na kinakailangang dumalo sa pagdinig sa Department of Justice mamayang ala-1 ng hapon.

Medical reason naman ang dahilan sa hindi pagdalo nina Engr. Gerard Opulencia, regional director ng DPWH NCR; DPWH South Manila District Engineer Manny Bulusan; at Commissioner Mario Lipana.

Inalam din ng kumite ang record mula sa Bureau of Immigration ng ilang personalidad na sina Mark Baquiran Bunagan, Allan Colesio, John Paul Estrada, Orly Guteza, at Mark Tecsay.

Natuklasan na walang record ng pag-alis ng bansa sina Bunagan, Guteza, at Tecsay, habang si Colesio ay nakabalik na sa bansa nitong Oktubre 24.

Si Estrada naman, na tinukoy na aide ni Co, ay umalis na ng bansa noong Setyembre 2, 2025, papuntang Hong Kong.

About The Author