Binuweltahan ni Senate President Francis Escudero ang mga kongresistang bumabatikos sa kanya kaugnay sa desisyong iatras ang pagsisimula ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Tanong ng senate leader kung sino ang mga kongresista para madaliin ang Senado gayung hindi nila minadali ang aksyon noon sa inihaing complaints.
Binigyang-diin ni Escudero na hindi nila ibabatay sa gusto ng mga kongresista o ng sinumang pabor o kontra sa impeachment ang kanilang aksyon.
Dagdag pang tanong ng senador kung ano ang nawala sa mga kongresista at naging kapakinabangan ni VP Sara sa pagbabago ng schedule ng proceedings.
Hindi naman na direktang sumagot si Escudero sa tanong ng isang kongresista kung takot siya kay VP Sara sa pagsasabing balewala sa kanya ang mga ganitong uri ng pain at iginiit na ginagawa nila ang nararapat at naayon sa batas sinuman ang paboran o tamaan.
Nanindigan ito na gagawin ang sa tingin niya ay tama at alinsunod sa batas lalo’t trabaho ng Senado na panatilihing pantay at makaratarungan ang kanilang hakbang.