Nagpasalamat ang mga kongresista ng Davao region kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa tulong na ibinigay sa mga biktima ng pagbaha.
Sa pahayag ng mga kongresista, ang tulong na ipinarating sa kanilang rehiyon ay pagsasabuhay ng Bagong Pilipinas campaign ni PBBM na isulong ang ‘inclusive plan’ sa ekonomiya, social transformation ng taumbaya, at ilapit ang serbisyo sa mamamayan.
Pinakahuling dinalahan ng ayuda ay ang Davao Oriental na tumanggap ng ₱150-milyong pisong cash aid, at 51,000 food packs.
Ang lahat ng Congressional districts ay nabigyan ng tig ₱20-milyong pisong cash assistance, habang ₱20-milyong piso sa tanggapan ni Davao del Norte Vice Governor Oyo Uy sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pahayag ni Davao Oriental Rep. Cheeno Almario at Rep. Nelson Dayanghirang, damang-dama umano nila ang presensya ng gobyerno para sa kanilang mamamayan na siyang tunay na diwa ng Bagong Pilipinas.
Bukod kina Almario at Dayanghirang, nagpaabot din ng pasasalamat sa Pangulong Marcos, Speaker Romualdez at sa Tingog Partylist sina Rep. Aldu Dujali ng Davao del Norte, Rep. Maricar Zamora ng Davao de Oro, at Rep. Migs Nograles ng Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist.
–Sa panulat ni Ed Sarto, DZME News
Photo Courtesy: Municipality of Monkayo LGU