Magpapatuloy ang mga kilos protesta laban sa katiwalian sa mga flood control projects hangga’t hindi nakikita ng publiko ang malinaw na progreso sa imbestigasyon na magpapapanagot sa mga sangkot.
Sinabi ni Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Aquino Dee na magsasagawa ang iba’t ibang grupo ng pocket protests tuwing Biyernes.
Ito aniya ay hangga’t wala silang nakikitang malaking progreso sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Idinagdag ni Aquino Dee na tatlong linggo matapos ang malawakang rally laban sa korapsyon noong Setyembre 21, ay wala pa ring nasasampahan ng kaso at wala pa ring nakukulong.
Umaasa ang apo ni dating Pangulong Cory Aquino na tunay na magiging independent ang ICI, kasabay ng mungkahi na buksan sa publiko ang kanilang mga pagdinig.