Pinaaalalahanan ni Sen. JV Ejercito na dapat managot din ang mga auditors ng Commission on Audit (COA) na nakipagsabwatan sa mga flood control projects.
Giit ni Ejercito, hindi lamang ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dapat managot, kundi dapat ding masuri ang pagkakasangkot ng mga tauhan ng COA at maging mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Ibinunyag ni Ejercito na mismo ang ilang dating engineers ng DPWH ang nagsabing may mga kasabwat silang personnel mula sa DBM at COA.
Tiniyak naman ng COA na magpapatuloy ang imbestigasyon ng kanilang Fraud Audit Office at ang mga findings nito ay isusumite sa Senado.
Kasabay nito, ikinatuwa ni Ejercito ang mga pagbabagong ipinatutupad ng COA, kabilang ang paggamit ng e-tagging technology upang maberipika ang mga infrastructure projects at maiwasan ang mga pinekeng ulat.
Binigyang-diin pa ni Ejercito na dapat magsilbing wake-up call sa lahat ang galit ng taumbayan sa mga ghost projects, at dapat pang paigtingin ang oversight at institutional reforms.