Iilan pa lamang ang mga local at national candidates sa nagdaang Midterm Elections ang nakapaghain ng kanilang Statements of Contribution and Expenditures (SOCEs) sa Comelec, mahigit dalawang linggo makalipas ang Halalan noong May 12.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, na bagaman posibleng may nakapaghain na ng SOCE sa Local Comelec ay wala pa halos nagsusumite mula sa National candidates, dahil hanggang June 11 pa naman ang filing.
Sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act no. 7166 o Synchronized Election Act, bawat kandidato o treasurer ng political party ay kailangang magsumite sa mga tanggapan ng poll body ng “full, true and itemized statement” ng lahat ng kontribusyon at ginastos kaugnay ng halalan sa loob ng 30-araw, pagkatapos ng eleksyon.
Ang mga kandidato na mabibigong maghain ng SOCEs ay sasampahan ng administrative offense at pagmumultahin ng ₱1,000 hanggang ₱30,000.
Para naman sa mga nanalong kandidato o political parties, ang kabiguang tumalima ay maaari ring magresulta ng pagkaantala ng pag-upo nila sa pwesto.