Isiniwalat ng Comelec na 976 pa lang mula sa mahigit 41,000 na National at Local Candidates sa May 12 midterm elections ang nakapaghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Sa datos ng Comelec, hanggang kahapon, walong senatorial candidates, 16 na party-list organizations, at apat na political groups ang nakasumite pa lamang ng kani-kanilang mga SOCE.
Ayon sa poll body, mayroong 64 senatorial candidates, 154 party-list groups at 28 political parties na lumahok sa nagdaang eleksyon.
Sa local level naman, 948 pa lamang mula sa 41, 217 na mga kandidato ang sumunod sa paghahain ng SOCE.
Alinsunod sa batas, dapat isumite ang mga SOCE sa loob ng 30-araw pagkatapos ng eleksyon, na ang ibig sabihin ay mayroong hanggang bukas na lamang ang mga kandidato para tumalima.