dzme1530.ph

Mga kaalyadong bansa ng Pinas, hinimok tumulong sa pagtugon sa El Niño

Hinimok ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Estados Unidos, Japan at mga bansa sa Kanlurang Europa na tumulong din sa Pilipinas sa pagtugon sa krisis dulot ng El Niño bukod sa pagbibigay ng military support.

Ayon kay Pimentel, panahon na para ipakita ng mga kaalyado nating bansa ang kanilang sinseridad sa pagtulong para sa ating kapakanan.

Sinabi ni Pimentel na upang maialis ang paniniwala na ang engagement sa pagitan ng mga bansa sa Pilipinas ay pawang pang-militar lamang, mahalagang maipakita sa buong mundo lalo na sa mga kritiko na tunay silang nag-aalala sa mga Pilipino.

Sa halip aniya na pumunta sa mga military bases, magbigay ng missiles, submarines at mga barko, hinikayat ni Pimentel ang mga kaalyadong bansa na puntahan ang mga lugar na lubhang apektado ng tagtuyot at magbigay ang mga ito ng tulong.

Bagama’t alam ng senador na ang mga tensyon sa West Philippine Sea ay seryosong banta sa ating seguridad subalit ang tunay na laban aniya na matinding kinakaharap ngayon ng mga Pilipino ay ang El Niño at napakahalaga rin na matiyak na makakabangon ang mamamayan mula sa pinsala ng El Niño.

About The Author