dzme1530.ph

Mga ipinatutupad na hakbang ng gobyerno vs human trafficking, pinabubusisi sa Senado

Nais ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na busisiin ng Senado ang mga polisiya at hakbangin na ipinatutupad ng gobyerno kontra human trafficking.

Ito ay kasunod ng paglalabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng mga bagong polisiya para sa mga Filipino travelers na inilarawan niyang unreasonable at dagdag pasakit lamang.

Hindi anya makatarungan na bigyan ng dagdag pasakit ang ating mga kababayan na gusto lamang pumunta sa ibang bansa para mamasyal sa pamamagitan ng mga proseso na dinaig pa ang visa application sa dami ng mga kinakailangang dokumento.

Sa kanyang Senate Resolution No. 762, nais ni Villanueva na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa Anti-Trafficking in Persons program ng gobyerno.

Ipinaalala ng senador na ang hakbangin upang maiwasan ang human trafficking ay nangangailangan ng tamang awareness at edukasyon sa mga Pilipino at hindi lamang paghihigpit sa mga requirement sa international-bound Filipinos.

Binigyang diin ni Villanueva ang pangangailangan na i-evaluate ang mga kasalukuyang programa upang matukoy kung epektibo ito.

Kasama na rito ang mga programa ng IACAT na 1343 action line; Barangay IACAT Webinar para sa awareness campaign; Integrated Case Management System para i-monitor ang human trafficking; at ang kalalabas lamang na 2023 Revised IACAT Guidelines on Departure Formalities for International-Bound Filipino Passengers.

Tutukuyin anya sa pagdinig kung ang mga programa ay susugpo sa traffickers o nagpapabigat lamang sa lehitimong mga pasahero. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author