dzme1530.ph

Mga impormasyon kaugnay sa oil price adjustments, dapat buksan sa publiko

Nais ni Sen. Sherwin Gatchalian na maging malinaw at bukas ang anumang paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo sa pamamagitan ng pagpapatibay ng batas upang matiyak na ang kapakanan at interes ng mga mamimili ay lubos na napoprotektahan.

Iginiit ni Gatchalian na dapat isapubliko ang anumang impormasyon na may kaugnayan sa adjustments ng presyo ng langis upang matiyak ang transparency at patas na pagpepresyo o fair retail pricing.

Una nang naglabas ang Korte Suprema ng ruling na nagpapatibay sa desisyon ng Court of Appeals hinggil sa kapangyarihan ng isang circular na ipinalabas ng Department of Energy (DOE).

Ang circular ay nag-aatas sa mga kumpanya ng langis na i-unbundle o i-detalye ang anumang adjustment sa presyo ng produktong petrolyo, kasama na ang mga eksplanasyon at supporting documents.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagiging bukas at tapat na komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan, mga kumpanya ng langis, at ng publiko upang mapanatili ang tiwala at mapangalagaan ang interes ng mamamayan, lalo na sa panahong pabago-bago ang presyo sa merkado. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author