![]()
Umaabot sa ₱180 bilyon ang posibleng napunta sa mga guniguni o ghost flood control projects mula pa noong 2016.
Ito, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, kasabay ng pagsasabing hindi pa kasama rito ang mga substandard na proyekto.
Sinabi ni Lacson na ang kanilang naging pagtaya ay matapos lumitaw na nasa 600 ang natukoy na ghost flood control projects mula sa 10,000 proyekto na na-inspeksyon.
Maliit na numero lamang aniya ang naungkat at natalakay ng Senate Blue Ribbon Committee kumpara sa kabuuang bilang ng mga posibleng ghost flood projects.
Kaya ang P110 milyon na ibinalik ni dating DPWH district engineer Henry Alcantara noong nakaraang linggo ay katiting lamang, kahit pa inaasahang magbabalik pa siya ng karagdagang P200 milyon sa mga darating na linggo.
Sinabi ni Lacson na handa ang Blue Ribbon Committee na tumulong sa mga ahensiya tulad ng Independent Commission for Infrastructure, Department of Justice, at Office of the Ombudsman sa pagsampa ng kaso laban sa mga sangkot, kung makatatanggap sila ng bagong impormasyon.
