dzme1530.ph

Mga estudyanteng magiging bahagi ng PISA, bibigyan ng espesyal na atensyon

Tiniyak ni Education Sec. Sonny Angara na pagkakalooban nila ng special attention ang mga estudyanteng magiging bahagi ng Programme for International Student Assessment (PISA) sa susunod na taon.

Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2025 budget ng DepEd, sinabi ni Angara na ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sikaping iangat ang ranking ng Pilipinas sa PISA.

Ipinaliwanag ng kalihim na batay sa 2025 PISA readiness plan, bubuhusan nila ng kinakailangang resources ang mga estudyanteng makikibahagi sa PISA.

Kabilang dito ang pagbibigay sa kanila ng kakailanganin nilang nutrisyon, special class, review class at digital assistance para maging pamilyar ang mga ito sa paggamit ng mga computer sa pagkuha ng exam.

Natukoy na rin aniya ng ahensya ang nasa 1.6 million na estudyanteng mula Grade 7 to 10 na maaaring makasama sa PISA sa March 2025.

Inaasahang nilang sa Enero 2025 ay malalaman ang 150 public schools kung saan manggagaling ang mga PISA takers at sa Pebrero naman matutukoy ang 7,000 students na kukuha ng PISA.

Matatandaang sa 2022 PISA result, nasa ikaanim ang Pilipinas sa mga bansang nakakuha ng pinakamababang marka pagdating sa mathematics, science at reading. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author