Hinikayat ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang mga employer na bumalangkas ng plano na makapagbibigay ng disenteng trabaho, mapaganda ang buhay at matamo ang social justice para sa mga manggagawang Filipino.
Ang pahayag ay ginawa ng kalihim sa ika-44 na National Conference of Employers (NCE) na may temang “Human-Centered Transitions for a Just and Sustainable Workplace” na inorganisa ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP).
Layon nito na mapagtibay ang prinsipyo ng diversity o pagkakaiba-iba, inclusion o pagsasama-sama at respect o paggalang sa karapatan ng bawat isa, sa pananampalataya at pagpapahayag bilang paraan nang pagtiyak sa parehas at nakasasapat na trabaho.
Sa kanyang mensahe sa 3rd plenary session ng conference na may temang “Labor and Employment Agenda 2023 and Beyond,” ipinunto ni Secretary Laguesma na kailangan ang plano na ipatutupad ng tripartite partners upang makamit ang disenteng hanap buhay, paglago, mapababa ang kahirapan o poverty reduction, may kalidad na pamumuhay at social justice. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News