Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga kawani ng gobyerno na maging ehemplo ng disiplina sa kalsada.
Sa kanyang pinaka-bagong vlog, inihayag ng Pangulo na ang disiplina pa rin ang pangunahing susi sa paglutas sa mabigat na trapiko partikular sa Metro Manila.
Sinabi pa ni Marcos na kung walang disiplina ay mababalewala rin ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno kontra traffic tulad ng road infrastructure projects.
Kaugnay dito, hinimok ang mga motorista na sumunod sa batas trapiko at unahin ang pagbibigayan at hindi ang paghahari-harian sa daan.
Hinikayat din ni Marcos ang mga empleyado ng lahat ng ahensya ng pamahalaan na pangunahan ang pagiging displinado sa lansangan, kaakibat ng paalala na ang pag-abuso at pagbalewala sa batas trapiko ay hindi pribilehiyo na kasama sa sinumpaang tungkulin ng mga lingkod-bayan.