Iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na dapat magsagawa ng assessment at isalang sa retraining ang mga empleyado ng Office of Transportation Security (OTS).
Ito ay kasunod na ng panibagong insidente ng pagnanakaw kung saan nakunan ng video ang isang empleyado ng OTS na nilulunok ang $300 na sinasabing ninakaw sa isang pasahero na itinuturing ng senador na nakakalungkot at nakakahiya.
Sinabi ni Villanueva na hindi ito ang unang insdente ng pagnanakaw subalit tila wala anyang takot ang iba na patuloy na gawin ang krimen at nakakisip palagi ng mga bagong estilo.
Tanong ng senador kung paano kukumbinsihin ang mga turista na mahalin ang Pilipinas kung sa paglapag pa lang nila sa airport ay nanganganib na ang kanilang seguridad.
Dapat aniyang ibigay sa mga turista ay happy experience at hindi horror story.
Nanawagan din ang mambabatas sa Department of Transportation na magsagawa ng agarang imbestigasyon, at kung mapatunayang nagkasala, agad sibakin sa pwesto at sampahan ng karampatang kaso ang OTS personnel.
Kailangan din anyang alamin kung mayroon siyang kasabwat sa paggawa ng krimen upag maputol na ang mafia ng masasamang-loob sa airport.
Binigyang-diin pa ni Villanueva na dapat maging mapanuri sa pagtanggap ng aplikante upang matiyak na hindi nagpapasweldo sa mga kawatan. –sa ulat ni Dnag Garcia, DZME News