![]()
Oobligahin ng Land Transportation Office ang lahat ng e-trike na lagpas sa 50 kilo ang bigat na magparehistro simula Enero 2, 2026.
Ito ay bilang pagtugon sa dumaraming insidente at reklamo kaugnay ng paggamit ng e-trike at e-bike sa mga lansangan.
Sa konsultasyon sa Senado sa pangunguna ni Sen. Raffy Tulfo, tinalakay kung ano ang konkretong hakbang para ma-regulate at mapanagot sa batas ang mga nagmamaneho ng e-trike at e-bike, lalo na ang mga umaabuso sa kalsada at nasasangkot sa aksidente.
Iminungkahi ni Tulfo na bigyan ng special driver’s license ang mga gumagamit ng e-trike, partikular ang mga ginagawang pampasada.
Binigyang-diin ng senador na dahil karamihan sa mga e-trike driver ay walang lisensya, hindi sila maaaring tiketan kahit lumabag sa batas-trapiko o masangkot sa aksidente.
Ayon kay LTO Executive Director Atty. Greg Pua Jr., irerehistro ang mga e-trike bilang light vehicle, at mas mababa ang singil sa registration fee kumpara sa regular na sasakyan.
Para mapabilis ang proseso, maglalagay ang LTO ng special lane para sa mga e-vehicle.
Layun ng bagong regulasyon na matiyak na may pananagutan ang mga e-trike driver, magkaroon ng kaayusan sa mga lansangan, at maiwasan ang paglobo ng mga e-vehicle na walang sapat na regulasyon.
