Isang nakasama sa selda ng self-confessed spy na si She Zhijang ang nakaugnayan ng kampo nina Sen. Risa Hontiveros upang kumpirmahin ang mga impormasyon kaugnay sa posibleng pagiging spy rin ni Guo Hua Ping, alyas Alice Guo.
Sa gitna ng pagdinig ng Senado kaugnay sa POGO operations, ipinakita ni Hontiveros ang video ng interview ng kanyang staff kay Wang Fugui na pinagkatiwalaan ni She na humawak ng encrypted documents kaugnay sa mga spy o state security agents ng China.
Kinumpirma ni Wang na batay sa mga dokumento at sa kwento rin sa kanya ni She, lumalabas na si Guo ay isang spy subalit hindi maituturing na special.
Naitanong din kay Wang ang proseso ng recruitment ng mga spy kung saan sinabi nito na kinokolekta nila ang kahinaan ng mga field agents at kanilang mga sikreto upang gamitin sa pagkontrol sa kanila.
Sa kaso aniya ni Guo, pinanghawakan nilang sikreto ang pagiging pekeng Filipino niya na kinunsiderang kanyang kahinaan.
Tungkulin aniya ng mga espiya ang mangolekta ng intelligence na may kinalaman sa political at economic interest ng Chinese Government.
Kinumpirma rin ni Wang na sinuportahan ng Chinese Security Agency ang kandidatura noon ni Guo.
Isiniwalat din ni Wang na isang Ma Dong Li na isang miyembro ng Chinese Communist Party ang handler ni Guo at nagsilbing link kay She. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News