Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) laban sa mga celebrity at influencer na nag-eendorso ng mga illegal gaming sites, na maaari itong panagutin at kasuhan sa ilalim ng batas dahil sa pagtulong sa pagpapalaganap ng illegal online casinos sa bansa.
Ayon kay CICC Deputy Exec. Dir. Asec. Renato Paraiso, nananawagan sila sa mga sikat na personalidad na tiyaking legal at accredited ng pamahalaan ang mga gaming platforms na kanilang ineendorso.
Ani Paraiso, maaaring managot sa batas ang mga endorser ng ilegal na online gambling sapagkat sila mismo ang nagsusulong nito sa publiko.
Dagdag pa niya, batay sa pagsusuri ng CICC, ang mga personalidad na ito ay posibleng kumikita ng milyon-milyong piso kada buwan o tumatanggap ng malaking porsyento mula sa kita ng mga gaming site na kanilang nirerekomenda, sa pamamagitan ng referral systems.
Ipinaalala rin ni Paraiso na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) lamang ang may awtoridad na magbigay ng whitelist ng mga lehitimong online gaming platforms, habang ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) naman ang tanging tanggapan na pinapayagang magpatakbo ng mga charity games at lottery sa bansa.