Maaari nang makabili ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng bente pesos per kilo na bigas, kasunod ng bagong partnership sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo initiative.
Ayon sa DA, ang kolaborasyong tinawag na “Benteng Bigas, Meron Na sa WGP,” ay opisyal na inilunsad sa food redemption activity sa Morsac Basketball Court sa Barangay 69, Tondo, Manila.
Sinusuportahan nito ang anti-hunger campaign ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng hakbang na gawing mas abot-kaya ang presyo ng bigas sa mahihirap na pamilya.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na makakabili na ang mga benepisyaryo ng mas murang bigas sa mga retailer na accredited ng DA at Kadiwa outlets.
Sa ilalim ng WGP, bawat pamilya ay makatatanggap ng ₱3,000 kada buwan na food credits sa pamamagitan ng electronic benefit transfer cards.