Welcome sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes na amyendahan ang 4Ps Law.
Ito ay upang manatili sa programa ang mga benepisyaryo nang higit sa pitong taon.
Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, nasa dalawang milyong Pilipino ang nakatakdang maalis sa 4Ps sa 2026 dahil naabot na nila ang maximum na bilang ng taon sa programa.
Paliwanag ni Gatchalian, ang 4Ps ay pamumuhunan sa taumbayan, at bago aniya bitawan ang mga benepisyaryo ay dapat munang siguruhin na hindi masasayang ang ibinuhos na investment sa kanila.
Sinabi pa ng kalihim na ang haba ng pananatili ng mga benepisyaryo sa programa ay depende sa kanilang estado at kalidad ng pamumuhay, at kung kaya na nilang suportahan ang kanilang mga sarili pagkatapos grumadweyt sa programa.