Iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pangangailangang magsagawa ng comprehensive review ng lahat ng batas at polisiya laban sa overloading ng mga truck at trailers sa buong bansa.
Layun nitong matukoy kung naipatutupad nang maayos ang mga batas at polisiya.
Kasunod na rin ito ng pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela na sinasabing bunsod ng overloading.
Aminado si Escudero na posibleng hindi isolated incident ang pangyayari at marami pang overloaded trucks ang nakakalusot nang hindi man lamang nasisita.
Ipinunto pa ng senate leader na sa ilalim ng Section 6 ng Republic Act 8794 o ang Motor Vehicle User’s Charge Act of 2000, 25% ng MVUC sa trucks at trailers ang ipapataw na penalty sa overloading.
Nakasaad din sa batas na pinapayagan ang DPWH na kumuha ng serbisyo ng private contractors para sa operasyon ng weighbridge stations at portable weighing machines na dapat aniya ay 24 oras ang operasyon.
Sa datos ng Land Transportation Office (LTO), nasa 400,000 trucks at 55,802 trailers ang nairehistro mula Enero hanggang Setyembre 2023.
Naitala naman sa 16,020 ang hinuli dahil sa axle overloading na nagresulta sa penalty collection na mahigit ₱32-M.