Nilapitan at niradyuhan ng Chinese warships ang mga barko ng Pilipinas habang nagsasagawa ng joint exercises kasama ang U.S. Navy sa Zambales.
Kabilang sa mga lumahok sa aktibidad ang BRP Miguel Malvar na pinakabagong barko na binili ng Philippine Navy mula sa South Korea; ang U.S. Navy guided missile destroyer na USS Curtis Wilbur; at Philippine Coast Guard (PCG) patrol vessels na BRP Cabra at BRP Suluan.
Naobserbahan naman ang People’s Liberation Army Navy (PLAN) na Jiangkai-class frigate na may bow number 551 at Jiangdao-class corvette na may bow number 646 na bumubuntot sa joint exercise.
Kasama ng Chinese warships ang Chinese Coast Guard vessel na may bow number 4203.
Ayon sa Philippine Navy, nilapitan ng mga barkong pandigma ng China ang BRP Malvar sa distansyang 3 to 4 nautical miles, at mas lumapit pa sa mas maliliit na PCG vessels.
Nagsagawa rin ng radio challenge ang mga Tsino, subalit hindi na nila ito inulit.