Nananawagan si Sen. Robin Padilla sa Department of Transportation na aksyunan ang nagiging problema ng mga barko ng Philippine Navy na ibinunyag niyang nahihirapan nang makadaong sa mga pantalan dahil binibigyang prayoridad ang mga pribadong barko.
Sa kaniyang privilege speech, sinabi ni Padilla na inaabot ng 48 oras bago mabigyang pahintulot o espasyo sa mga daungan ang mga barko ng Philippine Navy at dumedipende pa ito sa permisong ibibigay ng private concessionaire na nagpapatakbo ng mga pantalan.
Dahil aniya dito, nadedelay ang kanilang mga misyon dahil natatagalan sa pagrerefuel at resupply.
Bukod dito, nagiging madali na rin aniya ang pagkasira ng mga barko dahil naantala ang inspeksyon at maintenance procedures at hindi naiipapahinga ang makina.
Sa kasalukuyang sistema, kapag dadaong ang barko ng Navy kailangang ipaabiso ito sa operational commander ng Naval Installation Facility na siya namang magbibigay alam sa Philippine Ports Authority na makikipag-ugnayan sa private concessionaire na magdedesisyon kung kailan siya pwedeng dumaong at gaano katagal.
Sinabi ni Padilla na mayroon pang memorandum of understanding ang Philippine Navy at PPA subalit nagiging prayoridad ng private concessionaires ang mga barko ng mga pribadong kliyente.