Mas kaunti ang Chinese vessels na naobserbahan ngayon sa West Philippine Sea (WPS) kumpara nitong mga nakaraang linggo, habang papalapit ang pagtatapos ng Balikatan Exercise ng Pilipinas at Amerika.
Sinabi ni AFP Spokesperson, Colonel Francel Margareth Padilla na lumobo ang bilang ng Chinese ships nang magsimula ang balikatan subalit unti-unti itong nabawasan.
Ayon kay Padilla, simula April 23 hanggang 29, mayroong 110 Chinese Maritime Militia Vessels (CCMVS), labing isang China Coast Guard (CCG) vessels, at tatlong People’s Liberation Army-Navy (PLAN) warships na na-monitor sa WPS.
Pagsapit naman ng April 30 hanggang May 6 ay 88 na lamang ang CCMVS, 10 CCG vessels, at 4 na plan warships ang namataan sa naturang maritime area.
Bago pa man magsimula ang Balikatan Exercise ay na-obserbahan na ang pagdagsa ng Chinese vessels at warships sa Western section ng exclusive economic zone ng Pilipinas.