Tiniyak ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson na daraan sa tamang proseso ang chain of custody ng mga dokumento, computer, at iba pang nakuhang bagay ni Engineer Brice Hernandez na posibleng susuporta sa kanyang mga pahayag kaugnay ng anomalya sa flood control projects.
Itinakda ni Lacson bukas, Setyembre 22, alas-9 ng umaga, ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee dahil sa mga bagong developments.
Matatandaang pinayagan ng Senado nitong Sabado si Hernandez na lumabas upang kumalap ng mga ebidensya.
Iginiit ni Lacson na kung may ebidensya ng kickback o komisyon, agad niya itong ipapadala sa Independent Commission for Infrastructure o ICI para sa imbestigasyon at pagsasakdal.
Kabilang din sa mga posibleng iimbitahan sa susunod na pagdinig sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at retiradong Undersecretary Roberto Bernardo dahil marami aniya silang dapat ipaliwanag.
Binigyang-diin ni Lacson na kasama si Bernardo sa litrato kasama ng tinaguriang “BGC Boys” ng DPWH, bukod pa sa siya ang nagtalaga kina Henry Alcantara at Hernandez sa Bulacan First DEO.
Ang litrato ay kuha sa isang “tambayan” o bahay ni Loren Cruz, na umano’y bagman ni Alcantara.
Tungkol naman kay Bonoan, sinabi ni Lacson na siya ang appointing authority at dapat magpaliwanag kung paano nagkaroon ng mahigit P600 milyong cash deliveries mula kay Sally Santos ng Syms Construction papunta sa First District Engineering Office ngayong taon.