dzme1530.ph

Mga atletang Pilipinong nagwagi ng medalya sa 32nd Sea Games at ASEAN Para Games, tumanggap ng incentives sa Malakanyang

Tumanggap ng cash incentives mula sa gobyerno ang mga atletang Pilipinong nagwagi ng medalya sa 32nd Southeast Asian Games at 12th ASEAN Para Games sa Cambodia.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibigay ng pabuya sa mahigit 300 atleta at national coaches, sa seremonya sa Malakanyang ngayong Miyerkules ng Hapon.

Alinsunod sa Republic Act No. 10699, ang mga atletang nakasungkit ng gold medal sa Sea Games ay tumanggap ng P300,000 mula sa gobyerno, P150,000 para sa silver medalists, at P60,000 sa bronze medalists.

P150,000 naman ang pabuya para sa gold medalists sa ASEAN Para Games, P75,000 sa silver medalists, at P30,000 sa mga nakasungkit ng bronze medal.

Matatandaang nagtapos ang Pilipinas sa panlimang pwesto sa 2023 Sea Games sa nakolektang 58 gold medal, 86 na silver, at 116 na bronze medal. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author