Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga alkalde na isulong pa rin ang mga pangmatagalang proyekto, kahit pa lumagpas ito sa kanilang termino at maipapasa na ito sa mga susunod sa kanilang lider.
Sa kanyang talumpati sa General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines sa Pasay City, ipina-alala ng Pangulo sa mga Mayor na hindi baleng hindi sila ang kilalanin sa mga proyekto, basta’t ang mahalaga ay marami itong natulungan at napaganda nito ang buhay ng mga residente.
Hindi na umano dapat isipin pa kung sino ang mangunguna sa inagurasyon ng proyekto sa oras na matapos ito, lalo na kung gagamitin lamang itong gimik at pampapogi para sa eleksyon at kampanya.
Iginiit ni Marcos na ang mandato ng mga halal na opisyal ay dapat ituon sa malalaking bagay at hindi dapat sayangin sa mga hindi naman importante.