Dapat sagutin ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy ang mga akusasyon sa kanya ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na sapilitan umanong kinukuha ang kanilang mga sahod bilang donasyon sa organisasyon.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros matapos ang pagharap sa pagdinig ng Senado ni Reynita Fernandez, isang OFW based sa Singapore, na nagsabing halos 90% ng kanilang sahod ang napupunta kay Quiboloy.
Sinabi rin ng senadora, araw-gabi kung kumayod ang mga OFW na sa halip na mapunta sa pamilya ang sweldo ay napunta pa sa organisasyon at ang masaklap pa anya ay pinagbebenta pa sila ng kung anu-ano.
Una nang na-cite in contempt si Quiboloy dahil sa hindi pagtugon sa subpoena sa kanya kasabay ng paggiit ng abogado nito ng right against self-incrimination.