dzme1530.ph

Mga ahensya ng gobyerno, kinalampag ng senado sa problema sa baha sa Metro Manila at iba pang lalawigan

Kinalampag ng mga senador ang mga ahensya ng gobyerno kaugnay sa naranasang pagbaha sa Metro Manila at ilan pang lalawigan kasunod ng pananalasa ng bagyong Egay.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, deka-dekada na ang nakararaan at sa kabila ng mga pinopondohang proyekto laban sa pagbaha sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay lalo pang lumalala ang problema ng bansa sa baha.

Tinukoy ni Villanueva ang inilaang P183-B na pondo para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways bukod pa sa mga alokasyon para sa Department of Environment and Natural Resouces at iba pang ahensya.

Pinuna ng senador na sa kabila ng taung-taong pagsuporta para sa pondo ay wala pa ring malinaw na integrated management program laban sa pagbaha gayundin ang kawalan ng malinaw na mga proseso sa pagpakawala ng tubig sa mga dam.

Kinatigan naman ito ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na nagsabing ang mga pagbaha ay hindi lamang dulot ng ulan kundi bunsod na rin ng problema sa daraanan ng tubig na pakakawalan mula sa mga dam.

Nangako naman si Senate Committee on Public Works Chairman Ramon Bong Revilla Jr. na agad nang itatakda sa susunod na linggo ang pagbusisi sa mga programa ng gobyerno na may kinalaman sa pagbaha. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author