Sa muling pag-arangkada ng pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, kinuwestyon ng mga senador ang Department of Agriculture sa kabiguan pa ring makapagpahuli at makapagpakulong ng big time agricultural smuggler.
Tanong ni Sen. Raffy Tulfo sa DA kung bakit sa kabila ng bilyon-bilyong pisong smuggled na agriculture products, kahit isang smuggler at importer ay wala pa ring nakakulong.
Ang nakakabahala pa aniya ay nababasura pa ang kaso matapos ang ilang buwan.
Sa panig ni Senador Kiko Pangilinan, ipinaalala niyang September 2024 pa nang isabatas ang anti-agricultural economic sabotage law pero hanggang ngayon ay walang napaparusahan.
Iginiit pa ng dalawang senador na lumilitaw na untouchables pa rin ang mga smuggler kaya’t hindi maiwasang isipin na may kasabwat sila sa ahensya ng gobyerno.
Ipinaliwanag naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tinututukan nila ang mga kaso at katunayan ay lagi silang may pulong sa Bureau of Customs para sa mga kaso.
Gayunman, inamin ng kalihim na hirap sila sa pagkakaso dahil wala silang enforcement power.
Kasabay nito, nangako si Tiu-Laurel na kapag naibalik ang enforcement power, may makukulong na malalaking smuggler.