Nakatakdang magpulong ang mga alkalde sa Metro Manila kaugnay sa posibilidad na pag-regulate ng paggamit ng tubig sa ilang establisyimento o negosyo upang tugunan ang krisis sa tubig sa gitna ng tag-init.
Ayon kay Metro Manila Council (MMC) President at San Juan City Mayor Francisco Zamora, suportado nila ang apela ng Metropolitan Waterworks and Sewarage System (MWSS) sa may-ari ng mga negosyo na kumokonsumo ng malaking volume ng tubig na limitahan ang paggamit nito.
Aniya, pag-uusapan nila ang mga bagay at hakbang na pwedeng gawin upang siguruhing ma-re-regulate ang paggamit ng tubig.
Sinabi pa ni Zamora na aalamin din nila ang mga establisyimento na maaaring ikonsidera na talagang malakas ang konsumo sa tubig. —sa panulat ni Airiam Sancho