Nais ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian na repasuhin ng Senado ang Republic Act 11036 o ang Mental Health Act.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 671 para magsagawa ng investigation in aid of legislation ang kaukulang kumite ng Senado kaugnay sa estado ng implementasyon ng Mental Health Act.
Target tukuyin sa imbestigasyon ang mga kinakaharap na hamon sa paghahatid ng mental health services gayundin ang pagiging epektibo ng mga umiiral na polisiya at iba pang mga hakbang para matugunan ang problema ng mental health sa bansa.
Nakasaad sa resolusyon ang epekto ng COVID-19 pandemic sa paglobo ng bilang ng mental health problems partikular sa Pilipinas kung saan tumaas ang mga kaso ng anxiety, depression, psychological distress at suicidal behavior.
Naalarma rin si Gatchalian na maging ang mga kabataan ay apektado na ng mental health kasunod ng ulat na mahigit 400 estudyante mula school year 2020-2021 at 2021-2022 ang nag-suicide.
Iginiit ni Gatchalian na dahil sa matinding banta ng mental health issues sa bansa ay mahalagang matiyak ng pamahalaan ang sapat na mga serbisyo para rito kasabay ng paghahatid ng maayos na serbisyong pangkalusugan, proteksyon, edukasyon, at pangangalaga sa kapakanan ng mga kababayan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News