dzme1530.ph

Meeting ni dating Pangulong Duterte kay Chinese Pres Xi, walang kinalaman sa usapin sa bansa

Pribadong pagbisita at walang kinalaman sa mga isyu sa bansa ang naging pakikipagpulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa China.

Ito ang binigyang linaw ni Senador Christopher ‘Bong’ Go kasabay ng paliwanag na inimbitahan ang dating Pangulo ng Friends of the Philippines Foundation para sa inagurasyon ng Soledad College Building sa Fujian, China.

Ito ang gusali na pinangalan sa yumaong ina ng dating punong ehekutibo na si Soledad Duterte.

Binigyang diin ng senador na maraming beses nang inimbitahan ang dating Pangulo ng organisasyon at ngayon lamang napaunlakan.

Isinabay na rin anya ni dating Pangulong Duterte ang courtesy call sa kayang kaibigan na si Chinese President Xi upang magpasalamat sa mga naitulong sa Pilipinas noong panahon ng kanyang termino.

Wala naman nang ibang detalyeng ibinigay si Go tungkol sa pagpupulong dahil hindi siya kasama sa delegasyon ng dating pangulo sa pagbisita sa China. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author