dzme1530.ph

Mayorya ng mga Pinoy, pabor na makipagtulungan ang Pilipinas sa US vs China sa WPS issue

Mayorya ng mga Pilipino ang pabor na makipagtulungan ang gobyerno sa Amerika kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri batay sa survey ng Pulse Asia na kung saan tinanong ang mga respondent kung pabor silang palakasin ang military ties sa US sa gitna ng isyu sa WPS.

Sa survey na isinagawa noong Hunyo, 75% ang nagsabing pabor sila dito habang 14% lamang ang tutol.

Sinabi ni Zubiri na patunay ito na nagagalit na ang mamamayan sa patuloy na panghaharas ng China sa West Philippine Sea.

Kasabay nito, tiniyak ni Zubiri na tatalakayin na nila sa pagbabalik ng sesyon ang resolution ni Senator Risa Hontiveros na nananawagan sa gobyerno na iakyat na sa United Nations General Assembly ang patuloy na pambabalewala ng China sa The Hague ruling na kumikilala sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa WPS.

Sinabi pa ni Zubiri na dapat iharap sa UN ang lahat ng video at larawan ng panghaharas ng China sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Navy maging sa mga mangingisdang Pinoy. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author