Naniniwala ang mas nakararaming botante na magiging laganap ang vote buying sa May 2025 elections, batay sa resulta ng pinakahuling OCTA Research Tugon ng Masa survey.
Sa Feb. 22 to 28, 2025 survey na nilahukan ng 1,200 respondents gamit ang face-to-face interviews, 66% ang naniniwalang magiging talamak ang bilihan ng boto sa Halalan habang 34% ang nagsabing hindi magiging laganap ang vote buying.
Lumitaw din sa survey na mas mataas ang porsyento ng registered voters na naniniwalang magiging malawakan ang vote buying sa urban areas na nasa 68% kumpara sa rural areas na nasa 63%.
Sa bahagi naman ng Comelec, muli itong nanawagan sa publiko na i-report ang mga insidente ng vote-buying at vote-selling upang matugunan at mabigyan ng kaukulang aksyon.